Written by: Andrea Monique B. Bermonte
Kung mabibigyan ka ng pagkakataong makausap ang iyong hinaharap, makikita mo kaya ang pagsisisi sa kanyang mga mata dahil ang kanyang kalusugan ay hindi niya noon naalagaan? Kung ang nakaraan naman ang iyong mapagsasabihan, mapipigilan mo kaya siyang gawin ang nagawa mong kapabayaan?
Sa kasalukuyan, karamihan sa atin ay pinababayaan na ang ating kalusugan nang hindi iniisip ang magiging epekto nito sa ating katawan. Kadalasan ay mas pinipiling kumain batay sa gusto at hindi sa iniisip ang maaaring maging epekto nito. Kaysa masustansyang pagkain ay mas pinagtutuunan ng tingin ang masasarap sa panlasa, o hindi kaya ay naaayon sa uso sa masa. Ito ang nagiging sanhi ng mga sakit na nakikita lang ang epekto sa paglipas ng panahon katulad ng diabetes, kidney stones at iba pa. Bukod pa rito, mas ninanais natin ng sedentaryong pamumuhay kaysa ang pagiging aktibo ng katawan. Sa libreng oras ay mas ninanais na gumamit ng makabagong mga gadget kaysa aktibong page-ehersisyong nagdudulot ng panghihina ng ating katawan, pagrupok ng buto, at iba pang sakit pangkalusugan. Dahil dito, mas mainam na habang maaga pa, matuto nang kumain ng kung ano ang kailangan ng katawan at magehersisyo para sa kondisyon nito.
Hangga’t maaga pa, ang kalusugan ay iyong pangalagaan. Hindi mo na maibabalik ang panahong lumipas na o maitatama ang isang pagkakamali kung ikaw ay huli na. Kung hindi ka pa kikilos habang may oras pa, maaaring dumating sa puntong magsisi ka at hilingin na sana noo’y mas inalagaan mo ang iyong kalusugan kaysa mabuhay nang hindi iniisip ang maaari nitong kahinatnan. Upang hindi umabot dito, ang tangi mo na lang magagawa ay alagaan ang iyong pangangatawan sa kasalukuyan para sa kinabukasan.